MULING binanatan ni presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang katunggali na si Vice President Leni Robredo sa huling araw ng kampanya.
Sa miting de avance sa Tondo, inusig ni Domagoso si Robredo at ang mga “dilawan” nitong tagasuporta dahil sa kanila umanong pagiging elitista.
“Mga kababayan ipapaala ko sa inyo. Iyang mga nasa Ayala Avenue, ‘yan ang nangako sa atin ng pagbabago. Nangako sa atin noong 1986, ng pagbabago. Bakit ngayon ang pinag-uusapan pa din natin, pagbabago?” aniya.
Binanatan din niya si Robredo dahil sa pag-imbento nito ng mga salita, gaya ng “laylayan,” na tila pagmamaliit sa masa.
Idinagdag ni Domagoso na inuuna pa ni Robredo ang pag-tweet bago kumilos.
Sigaw naman ng mga tagasuporta ni Isko: “Leni lutang! Leni lutang!”
“Oy, ‘wag n’yo isigaw ‘yan baka tanggalin kayo sa trabaho ng mga amo n’yo. Baka ma-unfriend kayo,” paalala niya sa mga tagasuporta.
Isinisi rin niya sa mga tagasuporta ni Robredo ang pagpatiwakal ng isang “bata” sa Antique na na-bully umano ng mga ito.
“Parang sila lang ang banal. Sige magbanal-banalan kayo, mauna na kayo sa langit,” aniya.