INANUNSYO ng People’s Reform Party na kabilang si presidential spokesperson Harry Roque sa kanilang kandidato para senador.
Kaugnay nito, sinabi ni Roque ngayong araw na hindi pa siya siguradong tatakbo. Aniya, kakausapin muna niya sina Pangulong Duterte at anak nito si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
“No decision yet. I’m honored, but I have to confer with (President Duterte) and Mayor Sara,” aniya.
Ayon sa PRP, magiging kandidato si Roque sa pamamagitan ng substitution, pero hindi naman sinabi ng partido kung sino ang papalitan nito.
Ganito rin ang sentimento ni Roque na sinabing wala siyang ideya kung sino ang papalitan niya.
Tanging si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro lang ang naghain ng kandidatura para senador ng PRP.
Matatandaang inihayag ni Roque na tatakbo lamang siya sa 2022 elections kung tatakbong pangulo si Sara.