PINAG-IINGAT ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang publiko sa mga politikong nagpapakita lamang tuwing campaign season.
“Pag ganyan po ang public official wag natin silang tutulungan dahil dapat ang tingin sa ating mga kababayan na kailangan tulungan, hindi dapat boto ang tingin sa atin,” ani Robredo.
“Kung boto lang ang tingin sa atin asahan natin na pag nakaupo na sila kakalimutan na nila tayo,” dagdag pa niya nang harapin ang mga supporters mula sa Lanao del Sur.
Sa pagdalaw naman ni Robredo sa Marawi, sinabi niya na itinuturing na niyang pangalawang bahay ang Marawi City.
“Alam niyong lahat na nandito kung gaano ko kamahal ang Marawi. Alam niyo lahat kung gaano ko kamahal ang Lanao del Sur,” dagdag pa niya.
Sinabi pa niya na 10 beses na rin siyang nagpabalik-balik sa Lanao del Sur.
“Sampung beses ako pabalik-balik dito sa inyo. Ang tanong ko nga sa mga kausap ko, ‘Sino kaya makakatalo sa record ko kung gaano ako kadalas nandito sa inyo?’ Palagay ko, wala,” sinabi ni Robredo.
Ang Office of the Vice President ay nagdala ng humigit-kumulang P100 milyon na tulong sa Marawi sa rehabilitation aid matapos ang 2017 siege.