Presidential bets hati sa 4-day workweek

HATI ang mga kandidato na tumatakbo sa pangkapangulo sa panukalang four-day workweek.

Sinabi ni Senator Panfilo Lacson na pabor siya sa apat na araw na pasok sa isang linggo sa pagsasabing makatutulong ito sa harap ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

“Ako po ay sumusuporta dun dahil sa mahal ng gasolina, imagine na lang yung isang araw na matitipid yung papunta pati yung mga nagko-commute, hindi na mamamasahe,” sabi ni Lacson sa debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec).

Sinabi naman ni Manila Mayor Isko Moreno na may mga industriya na kailangan ng kanilang presensiya.

“May mga industriya tayo na kailangan ng physical presence to create more productivity efficiency production example mga planta,” aniya.

Iginiit naman ni Ka Leody De Guzman na dapat tiyakin na hindi mababawasan ang sweldo ng mga manggagawa.

Sinuportahan naman ni Vice President Robredo ang posisyon ni De Guzman.

“Ako po agree ako kay Ka Leody na kailangan siguruhin yung take home ng mga manggagawa hindi maso-shortchange, hindi pwede ang kwenta nito 4 days lang sila nagtatrabaho,” sabi ni Robredo.

Ayon naman kay Senator Manny Pacquiao, kailangang pakinggan ang mga employer at mga kawani hinggil sa isyu.

“Ano ba yung klase ng mga industriya na hindi gagana ito. Pero agree po ako na dapat maging supportive tayo lalo na ngayon kasagsagan ng kataasan ng presyo ng gasolina,” aniya.