IGINIIT ng Philippine National Police (PNP) na hindi aabot sa 220,000 ang bilang ng dumalo sa campaign rally ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa San Fernando, Pampanga kamakailan.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 3 chief BGen. Matthew Baccay na hindi nagmula sa pulisya ang crowd estimate. Aniya, ito ay nanggaling sa rally organizers at hindi sa mga miyembro ng PNP na inatasang security ng event.
“The estimate of 220,000 came from the organizers, we are not in the business of making estimates, we provide route and area security only,” ayon kay Baccay.
Pinangunahan ni Robredo at ng kanyang running mate na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang grand rally sa San Fernando City, Pampanga noong Abril 10.
Sinabi ni Baccay na ang venue na ginamit para sa aktibidad ay maaari lamang maglaman ng tinatayang 70,000 katao.
“We remain apolitical, and it is our fervent hope that NLE (national local elections) 2022 will be safe, accurate, free and fair,” ani Baccay.
Nauna rito, sinabi ng PRO 3 sa kanilang Facebook page na hindi ito naglabas ng anumang opisyal na pahayag sa kaganapan tungkol sa bilang ng mga dumalo at iba pang detalye.