HINDI lang puro pangako kundi konkretong aksyon ang inihahain ni presidential bet at Senador Ping Lacson para maresolba ang matagal nang problema sa pabahay ng mahihirap na pamilya.
Aniya, hindi tulad ng ibang mga kandidato tuwing eleksyon na palaging nangangako ng pabahay, maayos na istratehiya katulad ng kanyang iniaalok ang dapat na gamitin upang makamit ang mithiin na magkaroon ng maaayos na tirahan ang mga pamilyang walang permanenteng tahanan.
“Madaling sabihin, ‘lahat kayo ‘pag nanalo ako, tiyak na may tahanan.’ Hindi po namin pwedeng gawin ‘yon. Cinompute (compute) po namin. Kapag isinakatuparan natin 5.3-million houses, P500-billion isang taon sa budget. Kakainin po ‘yung ating national budget,” ayon kay Lacson.
Ang nakikita niyang solusyon sa problema ay ang pag-alis sa ugat ng korupsyon at paggamit nang maayos sa buwis ng taumbayan para mapondohan ang mga proyektong pabahay ng pamahalaan.
Tinalakay ni Lacson ang praktikal na paraang ito, makaraang dumulog sa kanya ang isang residente sa Antipolo City, Rizal. Ayon sa huli, matagal na siyang nangungupahan at natatakot siyang mapaalis sa tinitirhan dahil hindi naman niya kayang bumili ng sariling bahay at lupa.
Sa ginanap na town hall meeting sa Ynares Center nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Lacson sa mga botante na mayroong tinatayang 5.3 milyong kakulangan sa housing unit sa buong bansa, at para maresolba ito ay malaking parte ng pambansang budget ang magagasta.