TIWALA si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na magwawagi ang tunay na boto ng mga Pilipino sa mismong araw na halalan sa Mayo 9 na sasalamin sa kanilang paninindigan at hindi lamang galing sa mga lumutang na survey.
“I remain unperturbed doon sa mga survey results kasi ang talagang totoo lang na dapat tignan natin ‘yung May 9. Kasi kung paniniwalaan natin ‘yung resulta ng mga survey, lahat kaming nakatayo doon (sa debate) kagabi talo,” ayon kay Lacson nang makapanayam nitong Lunes sa Quezon.
Matapos ang idinaos na debate para sa mga vice presidential at presidential candidate, nagtungo si Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Lucena Fish Port Complex (LFPC) sa Barangay Dalahican para makipagdayalogo at konsultahin ang sektor ng mga mangingisda.
Dito muling inihayag ng Lacson-Sotto tandem na hindi sila nababahala sa resulta ng mga inilalabas na resulta ng pre-election poll dahil personal nilang naoobserbahan kung ano ang tunay na nangyayari sa mga komunidad.