UMAMIN si presidential aspirant Manny Pacquiao na namigay siya ng pera nang bumisita siya sa Batangas.
Ngunit mariing itinanggi nito na hindi vote-buying ang kanyang ginawa.
Ito ang ginawang pagtanggi ni Pacquiao matapos ihayag ng Department of Local and Interior Government (DILG) na mayroon itong iimbestigahan na kandidato dahil sa ginawang aktibidad sa Batangas.
Sinabi ni Pacquiao na namahagi siya ng P1,000 cash at grocery items sa 7,000 katao bilang donasyon sa mga ito.
“Sa dami ng taong pumunta, talagang makikita mo na talagang nangangailangan sila ng tulong at nagugutom,” ani Pacquiao.
Iginiit ng senador na mayroong mga pulis habang isinasagawa ang pamimigay ng mga ito.
“In fact yung mga pulis natin may placard ng social distancing. Pinaalalahanan natin sila na para makatulong tayo sa gobyerno, ay sumunod tayo sa protocol na pinapatupad ng IATF. It happened lang talaga na sa dami ng taong pumunta… dun mo makikita na hirap na hirap ang mga tao. Nagugutom sila. Kailangan nila,” ani Pacquiao.
Nilinaw niya na hindi vote-buying ang ginawa niya lalo dahil matagal na umano niyang gawain ang pamimigay ng pangangailangan sa iba’t ibang lugar.
“Yung pamimigay ng pera at bigas, 2002 ko pa ginagawa yan. Noon hanggang ngayon, may eleksyon man o walang eleksyon, talagang habit ko nang mamigay pag nakita ko nang maraming nangangailangan, nagugutom. Anong gusto nila, mamigay ako ng pera o magnakaw ako?”