HINDI naniniwala si presidential candidate Senador Manny Pacquiao sa resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia sa pampanguluhan dahil tanging mga mayayaman lamang di umano ang natanong dito.
Ayon kay Pacquiao, naniniwala siya na siya ang suportado ng mga mahihirap, partikular na ang mga nasa class D at E.
“Baka ‘yung mga mayayaman lang tinanong nila, hindi nila tinanong yung mga mahihirap na tao. Basta kumpiyansa pa rin ako na ang mahihirap na tao ay sama sama ngayon para magakaroon sila ng importansya at umulad ang kanilang pamumuhay,” ayon kay Pacquiao matapos lumabas ang survey ng Pulse Asia kung saan nasa ika-apat na pwesto siya at nakakuha lamang ng 8 porsiyento.
Hindi anya siya naniniwala rito lalo pa’t ang layunin nito ay para ikundisyon lang ang isipan ng mga tao.
“Kahit i-zero pa nila ako sa Luzon, Visayas at Mindanao, hindi pa rin ako matitinag. Mind conditioning ‘yan sa taumbayan pero alam ko ang tao ay kailangan nila ‘yung tunay na pagbabago,” dagdag pa ni Pacquiao.