NANINIWALA si presidential candidate at Senador Manny Pacquiao na hindi dapat iboto ang mga kapwa niya kandidato sa pagkapangulo na sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Manila Mayor Isko Moreno dahil sa isyu ng korupsyon na iniuugnay sa kanila.
“May corruption issue,” pahayag ni Pacquiao sa panayam nito ng TV Host na si Boy Abunda Biyernes ng gabi.
Gaya ng mga interview ni Abunda sa mga naunang nakapanayam na presidential aspirants, tinanong din nito si Pacquiao kung bakit hindi iboto ang kanyang mga kalaban.
“May bahid ng corruption, may issue ng corruption, alam mo naman ang corruption sa ating bansa eh talagang ‘yan ang dahilan kung bakit kami naghirap,” saad ni Pacquiao tungkol kay Marcos.
“Dumanas kami sa hirap, nagutom kami, tubig lang inumin namin para makasurvive sa isang araw. Yan yung desire ko sa puso ko na gusto kong tulungan ang mahihirap na tao dahil dumanas ako ng walang pagkain sa isang araw,” dagdag pa nito.
Tungkol naman sa kung dapat iboto si Vice President Leni Robredo at Senador Panfilo Lacson, sumagot lang ito ng: “Hindi ko alam.”