P72K bail inirekomenda sa nagbanta kay Bongbong sa social media

NAKATAKDANG sampahan ng Quezon City prosecutor’s office ng kasong grave threat ang Grab driver na nagbantang babarilin si presidential candidate aspirant Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inaresto si Michael Go nitong Biyernes at kasalukuyang nakakulong sa Camp Karingal.

Inirekomenda ng piskalya ang P72,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Go.

Nag-ugat ang kaso nang mag-tweet umano si Go ng pagbabanta makaraang maharang ang kanyang sasakyan ng convoy ni Marcos Jr. noong nakaraang Marso 15.

“Pakisabi mag-ingat siya sa Tandang Sora, QC. Pag dumaan siya doon, babarilin ko siya. Di ako takot makulong. Hindi rin ako takot mamatay. Isang malaki karangalan ipaghigante mga kasama ko aktibista biktima ng karahasa panahon ng martial law,” ayon sa tweet na ngayon ay burado na.

Itinanggi naman ng pamilya ni Go na ito ang nag-tweet ng pagbabanta.

“Wala po siyang Twitter account at hindi po siya marunong gumamit noon. Facebook lang po,” ayon sa asawa ni Go na si Anna. –