IISA ang posisyon ng mga tumatakbo sa pagkapangulo na gagamitin nila ang P203 bilyong Marcos estate tax liability para pondohan ang cash aid para sa mahihirap.
Sa isinagawang debate nitong Sabado na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec), iminungkahi ni Manila Mayor Isko Moreno na ilaan ang buwis na makokolekta mula sa mga Marcos para maibsan ang epekto ng pandemya at pagtaas ng mga bilihin bunsod ng panggigiyera ng Russia sa Ukraine.
“Rest assured my countrymen, that I will collect from the family with a debt of P203 billion in estate tax,” sabi ni Moreno.
“I will get that P200 billion and I will give it to farmers, drivers as aid for people who really need the help,” dagdag ni Moreno.
Sinuportahan naman ito ni Senator Panfilo Lacson, sa pagsasabing doble ang P203 bilyong buwis na kailangang bayaran ng mga Marcos sa buwis na makokolekta kumpara sa makokolektang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na aabot lamang sa P101 bilyon.
Kinuwestyon din ni Lacson kung bakit hindi ito masingil ng Bureau of Internal Revenue.
Ito rin ang posisyon ni Robredo, sa pagsasabing suportado niya ang pahayag nina Moreno at Lacson.
Kinatigan din ni Ka Leody De Guzman ang panukala ng kapwa mga kandidato.
“Sang-ayon ako, pare,” sabi De Guzman kay Moreno na nasa tabi niya.
Hindi naman dumalo si Marcos sa isinagawang debate.