INULIT ng blogger at dating opisyal ng pamahalaan na si Mocha Uson ang mga pintas ni Pangulong Duterte kay presidential candidate Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ginawa ni Mocha ang pagpuna kay Marcos Jr. makaraan siyang tawaging “balimbing” ng mga netizens dahil sa pagsuporta niya kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, na tumatakbo rin bilang pangulo.
Nagpost ng video sa Twitter si Mocha at ipinaliwanag kung bakit hindi si Marcos Jr. ang kanyang iboboto sa May elections.
Iginiit ni Mocha na siya ay tagasuporta ni Pangulong Duterte.
“Balimbing daw ako. Unang-una, ako po ay DDS, Rodrigo Roa Duterte Die-hard Supporter, at ako ay naniwala at nagtitiwala kay Pangulong Duterte.
“At sinabi niya na si BBM ay weak, spoiled, at may bagahe. Bakit ko hindi paniniwalaan si PRRD sa kanyang sinabi?” aniya.
Idinagdag niya na sinusuportahan niya ang ka-tandem ni Marcos Jr. na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang anak ng Pangulo.
“Bakit ako nag-Isko ngayon? Dahil ayaw ni PPRD kay BBM. Sinabi niya na weak, spoiled at may bagahe. Kaya bakit ako magbi-BBM,” sabi niya.
Payo naman ni Mocha sa mga kagaya niyang DDS: “Kung kayo ay nagtitiwala ar naniniwala sa sinabi ni PPRD, ano pang ginagawa n’yo diyan (sa BBM camp)?”