BINAKBAKAN nang bongga ni dating OWWA deputy executive director at ngayon ay partylist representative Mocha Uson ang aktres na si Toni Gonzaga matapos ang naging pahayag nito tungkol kay presidential candidate Bongbong Marcos Jr., na makakabalik na ito sa kanyang dating tahanan — ang Malacanang.
Sa kanyang TikTok post, sinabihan ni Mocha si Gonzaga na walang alam sa public service at mali ang ginagawa nito.
“Alam mo, ma’am, hindi maganda ‘yang sinasabi ninyo. Napaghahalataang wala po kayong alam sa public service. Si Pangulong Duterte nga po, sinasabi niya na ang Malacañang ay kaniya lamang opisina, hindi po niya ito tahanan. Ito ay pag-aari ng taumbayan,” ani Uson.
Ginawa ni Uson ang pahayag matapos ang sabihin ni Gonzaga sa grand rally ng UniTeam sa Cebu nitong Monday na: “Konting-konting panahon na lamang at magbabalik na si BBM sa kaniyang tahanan — ang Malacañang.”
Nagkasama sina Uson at Gonzaga sa 2013 pelikula na “Four Sisters and a Wedding”.
Si Uson, na masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte ay suportado ang kandidatura ni Manila Mayor Isko Moreno habang si Sara Duterte naman ang kanyang vice presidential bet.
“Para sabihin mo na babalik na sa kaniyang tahanan sa Malacañang si Marcos, ay parang sinabi mo na rin po na diktador ang kanilang pamilya na ginawa na talagang tahanan ang Malacañang noon. Umalis lang saglit, at ngayon ay babalik muli para angkinin ito,” hirit pa ni Mocha.
“Paalala lang po: Ang Malacañang ay pag-aari ng bawat Pilipino. Ito ay opisina lamang ng public servant ng ating bayan. Sana po, ma’am, matuto kayo sa mga sinasabi ng Pangulong Duterte.”