ITINANGGI ni Miss Universe 1973 Margie Moran na ineendorso niya ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo.
Kamakailan ay lumutang sa Facebook ang larawan ng apat na Miss Universe ng Pilipinas kung saan sinasabi na tatlo sa kanila ay kakampinks.
Ang tatlong itinuturo ay sina Pia Wurtzbach, Catriona Gray at Margie Moran.
“3 out 4 Miss Universe from the Philippines (Margarita, Pia and Catriona) endorsed Leni Robredo as their President,” caption ng post.
Pinabulaanan naman ito ni Moran at tinawag pang fake news ang post.
“This post is fake news. I will not compromise my position as a government official by endorsing a candidate. My choice is who I think will serve the nation best,” aniya sa Instagram post.
Si Moran ang kasalukuyang chairperson ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Naniniwala naman ang mga fans niya na si dating Sen. Ferdinand Bongbong Marcos ang kanyang manok dahil pina-follow umano niya sa mga social media accounts ng mga kapatid nito na sina Imee at Irene.