NANGAKO si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sakaling manalo siya bilang pangulo ay palalakasin niya ang mga programa ng pamahalaan ukol sa mga out-of-school youth.
Sa kalatas, sinabi ni Marcos na kabilang sa kanyang plataporma ang pagpapaigting sa Free College Tuition Fee Act at ang pamimigay ng pondo sa mga natengga na scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED).
“Mahalagang tutukan natin ang problemang ito, nakakabahala na dumarami ang mga kabataan na hindi na nakapag-aaral, at dahil nga sa COVID-19 pandemic ay lumobo pa ang bilang ng out-of-school youth,” ani Marcos.
Idinagdag ng dating senador na sa ilalim ng kanyang administrasyon, magkakaroon ng libreng specialized colleges at universities sa mga probinsya.
“Palakasin din natin ‘yung programa ng online courses, ‘yung mga programa na hindi lang certificate ang matatanggap nila pati diploma na rin, para doon sa mga nakapagtapos ng online courses, depende kung ilang taon nila tinapos,” aniya.
“Dahil sa nagluluwag na tayo, magkaroon siguro ng mga seminars para ipaalala sa mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon at ipaalam sa kanila ‘yung mga programa at privileges na meron sila,” dagdag pa ni Marcos.