IGINIIT ni Partido Reporma presidential candidate at Senador Panfilo Lacson na hindi dapat hinahayaang kinakawawa ang mga Pilipino sa loob ng sarili nitong.
Kasabay nito, pinagdiinan din ni Lacson at ng kanyang running mate na si Senate Presidente Vicente Sotto na dapat imbestigahan na ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Kinondena nina Lacson at Sotto ang mga Chinese Coast Guard na nangharang at gumamit pa ng water cannon noong Martes, Nobyembre 16, para pigilan ang ilang barko na magbibigay ng supply sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal, batay sa kumpirmasyon ng Western Command ng Armed Forces na nakabase sa Palawan.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., nagpadala na ito ng protesta sa Beijing kaugnay sa insidente, pero para kay Lacson hindi ito sapat.
Aniya, “We are not satisfied (with just diplomatic protests) … Sarili na nga nating teritoryo, tayo pa ‘yung tinataboy, wina-water cannon. Napakasamang pangitain ‘yon, so kailangan ma-correct ito.”
“Kaya nga ang aming magiging polisiya dito, makipag-alliance tayo doon sa malalakas na bansa, ‘yung mga militarily strong countries. Like meron naman tayong existing [na] mga bilateral agreement with them,” dagdag pa presidential aspirant.
Para naman kay Sotto, kailangang makipagtulungan ang Pilipinas sa malalakas na bansa at gamitin ang mga umiiral nang bilateral agreement para maging ligtas ang bansa sa banta ng China.
Aniya, “Hindi naman parang veiled threat, ano. Pero dapat siguro i-highlight natin muli ‘yung mga provisions ng Mutual Defense Treaty sapagkat ‘yun ang panlaban diyan e.”
“Ang alam ko, meron doong sinasabi na pagka tayo nagkaroon ng parang kahit a form of aggression, papasok ‘yung ano e, the Mutual Defense Treaty will kick in. And, therefore, the United States has a say on the story of what’s happening there all of a sudden,” lahad ni Sotto.
“So, siguro dahil parang veiled threat ‘yan ay our government should look into it right away, at tingnan natin kung ano ang magiging reaksyon ng Tsina… Baka naman sakaling biglang higpitan nila ‘yung mga tao nila at ‘yung mga, ika nga, mga… hindi lang fishermen kundi mga military nila doon sa parte na ‘yon, ‘yung Coast Guard nila,” saad pa ng vice-presidential candidate.