Lacson-Sotto dadayo ng Bacolod City

DADAYUHIN ng tambalan nina Partido Reporma presidential aspirant at Senador Panfilo Lacson at running mate Senate President Vicente Sotto III ang Bacolod City para makipagkumustahan sa mga residente dito at maiahin ang kanilang plataporma para sa darating na 2022 elections.

Ang pagbisita nila sa lalawigan ng Negros Occidental ay kabahagi ng kanilang lingguhan Online Kumustahan kung saan doon din ginaganap ang kanilang pakikipag-usap sa mga lokal na lider na nais nilang makatuwang sa pamahalaan sakaling manalo sa halalan.

Gagawin ang kumustahan sa Tangub Community Center sa Barangay Tangub, Bacolod City na magiging main venue ng event. Magkakasabay din itong mapapanood sa 22 iba pang satellite venue sa probinsya, ayon sa mga event organizer.

Tinatayang makikilahok ang nasa 700 hanggang 800 katao upang mapanatili ang social distancing at iba pang protocol kaugnay sa COVID-19 na nakasunod sa mga lokal at national public health authority.

Ang Negros Occidental ay pinamumunuan ni Governor Eugenio Jose ‘Bong’ Lacson at Vice Governor Jeffrey Ferrer. Bumuo sila ng nagkakaisang koalisasyon sa pagitan ng kanilang mga lokal na political party at muling tatakbo para sa re-election sa provincial poll sa susunod na taon.

Una nang binisita nina Lacson at Sotto ang Talisay City, Negros Occidental noong Setyembre 16 bilang bahagi ng kanilang Visayas Tour, matapos nilang inanunsyo ang kanilang kandidatura para sa pagkapangulo at bise presidente sa 2022 national election.