MAYORYA sa mga presidential candidates na sumalang sa ikalawang debate na inorganisa ng Comelec ang naniniwala na kahinaan ng sistema ng pamahalaan ang dahilan ng korupsyon sa gobyerno.
Pero ayon kay Senador Panfilo Lacson, hindi mahina ang sistema ng bansa kung kayat talamak ang korupsyon sa pahalaan kundi ang kahinaan ng mga taong nakapaloob dito.
“Hindi po mahina ang sistema. Marami tayong mga batas, mga institusyon na tumatakbo. Kahinaan po ng tao, kahinaan ng tao sa gobyerno,” sabi ni Lacson.
Aniya, kabilang sa mga batas na ipinasa para labanan ang katiwalian sa bansa ang Anti-Red Tape Act (ngayon ay Ease of Doing Business Act), Government Procurement Reform Act, at Philippine Competition Act.
“So ang kahinaan hindi po sa sistema, (kundi) sa tao na nagpapatupad ng mga Anti-Graft and Corrupt Practices Act. ‘Yan po ‘yung ating dapat supilin. Ang dapat nating palakasin ‘yung sistema ng pamamalakad,” ayon pa kay Lacson.
Umaabot sa mahigit P700 bilyon ang nawawala dahil sa korupsyon kada taon.