KAYANG talunin ni Senate President Vicente Sotto III si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-bise presidente kung gagawin ang eleksyon ngayon, batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey na isinagawa ng SWS mula Oktubre 20 hanggang 23 na pinondohan ng Stratbase ADR Institute, Inc., nanguna rin si Sotto sa tatlong opsyon na ibinigay sa mga tinanong. Kabilang sa listahan bukod kina Sotto at Duterte sina Rep. Lito Atienza, Doc Willie Ong, at Senador Kiko Pangilinan.
Sa tanong na ,”Narito po ang isang listahan ng mga posibleng kandidato para sa BISE-PRESIDENTE NG PILIPINAS. Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon, sino po ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang BISE-PRESIDENTE NG PILIPINAS?”
Nakakuha si Sotto ng 44% habang si Duterte naman ay may 25%; Pangilinan, 13%; Atienza, 3% at undecided 2%.
Sa isa pang listahan ng posibleng kandidato sa bise presidente, nanguna muli si Sotto na nakakuha ng 42%; Bong Go, 31%; Willie Ong, at Pangilinan, 11%; Atienza, 3% at undecided 2%.
Batay naman sa isa pang listahan ng mga posibleng kandidato sa pangalawang pangulo, natalo rin ni Sotto si Bongbong Marcos, matapos makakuha ang una ng 44%, samantalang 29% naman ang huli; Ong, 13; Pangilinan, 11%; Atienza, 3% at undecided 2%.