KBL chapter sa Benguet lumipat kay Isko

NAG-switch kay presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno ang mga lider ng Kilusang Bagong Lipunan-Baguio Benguet chapter na dating sumusuporta sa frontrunner na si dating Senador Bongbong Marcos.

Sa ulat ng Inquirer, sinabi ni Bernard Ellamil, provincial chairman ng KBL-BB, nagdesisyon silang lumipat kay Moreno dahil binigo umano sila ni Marcos Jr.

Ang KBL ay itinatag ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, ama ni Marcos Jr. na ngayon ay nangunguna sa mga presidential survey.

Paliwanag ni Ellamil, ang desisyon ng chapter ay wala umanong basbas ng KBL leadership.

Isa umanong dahilan kung bakit sila lumipat kay Isko ay dahil sa mabilis itong kumilos at hindi puro pangako lamang, patunay na rito ang mga nagawa niya sa Maynila.

Ayon pa kay Ellamil, ilang buwan na silang tumutulong kay Marcos Jr. gamit ang sari-sariling pondo, ngunit hanggang ngayon ay wala silang suportang nakukuha mula sa kampo nito.

Huli rin umano ang pagdating ng mga campaign materials na dapat sana ay gagamitin nila sa pangangampanya.

“We were hoping to at least have a T-shirt that we can wear as a uniform, but they gave us only a hundred, which is not enough,” paliwanag nito.

May 3,000 miyembro ang KBL sa Baguio pa lang.