ITINANGGI ni presidential aspirant Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na gumastos siya ng P300 milyon para sa political ads.
“As far as I am concerned, no,” sagot ni Domagoso nang tanungin ukol sa ulat na gumastos siya ng P305.9 milyon.
Iniulat kamakailan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na si Domagoso ang top ad spender sa lahat ng mga kandidato.
Nagsimula umanong gumastos ang kampo ni Domagoso para sa mga TV ad noong Setyembre. Base sa ulat, mayroon siyang 227 spot ads na nagkakahalaga ng P305.9 milyon batay sa mga rate card.
Wala umanong alam si Domagoso rito at nagpapasalamat na lamang siya sa mga nagpapa-ad para sa kanya.
“Naghahanap ako ng lahat ng klase ng tulong at kung maraming nag-aadvertise for me, thank you very much,” sabi ng alkalde.
“I am happy to receive any help. Kailangan ko lahat ng uri ng tulong. Anybody who will help will be highly appreciated,” dagdag niya.