NAIS ni presidential aspirant Senador Manny Pacquiao na amyendahan ang substitution rule dahil sa umano’y pang-aabusong ginagawa ng ibang pulitiko.
“‘Yang substitution na ‘yan, gusto ko ring amyendahan ‘yan kasi kung sino-sino na lang ginagamit ‘yan, inaabuso naman. Inaabuso naman ‘yang substitution,” ayon kay Pacquiao.
Papayagan ng Commission on Elections (Comelec) hanggang Nobyembre 15 ang mga kandidato na magkaroon ng substitution na nasa ilalim ng parehong partido.
“Siguro papalitan natin, specify natin mabuti doon. May substitution pa rin, pero doon lang sa kung namatay ‘yung nag-file, or nasiraan ng ulo, hindi na makapagtuloy ng kaniyang kampanya, ‘yun lang. O kaya nagkasakit nang malubha. ‘Yun lang siguro ang puwedeng i-substitute,” paliwanag ng senador.
“Wala na ‘yung withdrawal tapos papalitan, kasi na-abuse nila eh. Niloloko ‘yung taong bayan eh,” dagdag pa ng senador.