MAGSASAGAWA ng joint press conference ngayong Easter Sunday ang mga presidential candidates na sina Senador Ping Lacson, Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at iba pang mga kandidato sa pagkapangulo.
Sa isang kalatas, sinabi ng Lacson-Sotto media bureau na bukod kina Lacson, Pacquiao at Moreno, darating din sa joint press conference ganap na alas-11 ng umaga sa Rigodon Ballroom ng Peninsula Manila sa Makati City sina dating National Security Adviser Norberto Gonzales at dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Kinumpirma naman ng ka-tandem ni Lacson na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na inimbitahan din siya ni Lacson sa briefing.
“I’m not aware of the purpose. I was just invited by Sen. Ping,” sabi ni Sotto.
Bukod kay Lacson, naglabas din ng abiso ang kampo ni Moreno hinggil sa nasabing press conference.
Walang advisory ang kampo ni Pacquiao bagamat sinabi ng dalawa sa kanyang mga tauhan na planong daluhan ito ng senador.