HUMINGI ng paumanhin si senatorial candidate Herbert Bautista sa inasal niya makaraang matalisod at hindi agad papasukin sa UniTeam rally sa Quezon City nitong Miyerkules.
Sa panayam ng SMNI, nagsori si Bautista sa ipinakita niyang ugali.
“First po, I would like to apologize for that behavior of mine. Nagalit ako. It got the best of me. Parang mali e,” aniya.
Inihayag ni Bautista na totoong hindi siya agad pinapasok sa venue ng rally dahil wala siyang bracelet pass. Pero nang ibaba niya ang suot na facemask ay pinayagan na siyang tumuloy.
Iginiit naman niya na pinatid siya ng marshal na nagbabantay sa gate habang papasok na siya sa venue.
“Noong papasok na kami, nadapa ako. Pag tingin ko, nakita ko ‘yung paa nung nagbabantay, nakita kong gumanon saka umurong,” kwento niya.
“Sabi ko, ‘Bakit mo ako pinatid?’ Nagalit na ‘ko. Hanggang nagpunta kami sa other side l. Hopefully we were able to settle things,” sabi pa ng dating Quezon City mayor. “I would like to apologize for that behavior.”
Pero idinagdag niya na nabigla lang siya sa pangyayari. “Okay lang sa akin na verbal-an tayo pero pag pinisikal mo ‘ko, ibang usapan na iyon.”