KINUMPIRMA ni Partido Reporma presidential candidate Senator Panfilo Lacson na tinanggal na nila sa kanilang senatorial slate si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Sa press conference, sinabi ni Lacson na hindi na nila kandidato bilang senador si Bautista dahil pinili nitong maging kandidato sa ilalim ng kandidatura ng katunggaling si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dagdag pa ni Lacson, gusto umano ni Bautista na maging representante ng kanyang partido na Nationalist People’s Coalition sa ilalim ng kandidatura ni Marcos.
Si Bautista ay kabilang sa NPC na ang chairman ay ang vice presidential runningmate ni Lacson na si Senate President Vicente Sotto III.
“Hindi ko alam kung paano ko sasagutin [ang sulat]… Sinabi ko kay SP, hindi ako concerned dito kasi hindi naman ako NPC pero itong sulat niya, hindi ko rin alam maintindihan,” ani Lacson.
“Hindi naman ako NPC. So ako, damay ako sa kanya (Sotto) kasi magka-tandem kami e,” dagdag pa ni Lacson.