HANDA rin sumalang sa drug test ang pambato ng Malacanang na si Senador Christopher “Bong” Go.
Ayon kay Go, karapatan ng publiko na malaman ang kalagayang pangkalusugan at isipan ng mga kandidato na maaaring mamuno sa bansa.
“Walang problema sa akin. Anytime, kahit saan. Karapatan ng bawat Pilipino na malaman if you are fit to lead this country. Ayoko lang makipag-unahan sa kanila. Kung maaari ‘yung kumpletong drug test na talaga,” ayon kay Go.
“Maraming klaseng drug test—may ihi, may hair follicle. So, kung ano ‘yung pinakakumpleto para walang pagdududa sa atin… Aside from drug tests, kahit neuro test. Ang importante mapatunayan natin we are fit to lead this country,” dagdag pa ng mambabatas.
Iginiit naman ni Go na dapat gawin ito nang kusang-loob.
“Though hindi siya mandatory by law, ang importante ipakita natin sa publiko na wala silang maiiwang paghihinala,” ani Go.
“Ayokong makipagsiraan sa kapwa ko kandidato dahil kandidato rin ako, ‘no? Mahirap namang sabihin ko ito ang gawin mo, ito ang gawin nila. Dapat ito’y kusa para mapatunayan natin sa publiko na fit tayong mamuno ng ating bansa,” paliwanag pa nito.
Binanggit naman ni Go na ang tanging bisyo lang nito ay ang magserbisyo sa mga Pilipino.
“Ako naman, no (never ako nag-drugs). Hindi rin ako mahilig uminom. Pero mayroon akong bisyo. Sabihin ko na lang sa inyo ngayon. Ang bisyo ko magserbisyo. Bata pa ako, bisyo ko na ang magserbisyo hanggang ngayon,” ayon kay Go.