HANGGANG sa huling sandali ng pangangampanya, walang pormal na endorsement na ibinigay si Pangulong Duterte sa mga kandidato sa pagkapangulo ngayong May 9 elections.
Hindi rin sumipot si Duterte sa miting de avance ng kanyang anak at vice presidential candidate Davao City Sara Duterte at kanyang presidential running mate na si dating Senador Bongbong Marcos nitong Sabado sa Paranaque.
Matatandaan na tanging ang anak na si Sara lang ang pormal na inendorso ng pangulo, at sinabing mananatili siyang neutral pagdating sa presidential race.
Gayunman, nitong mga nakaraang araw, tila lumambot si Duterte sa mga naunang pahayag nito laban kay Marcos.
Naniniwala si Marcos na ang naging pahayag ng pangulo ay isang senyales na siya ang pinapaboran ni Duterte.
“Dahil nga pinayagan na niya ‘yung partido niya na mag-desisyon na mayoridad na makapag-endorse sa tambalang Marcos-Duterte ay consistent pa rin ‘yun, sinasabi nga niya na ayaw niyang mag-endorse dahil pangulo siya, he’s above the fray ika nga. Siguro dahil palapit na tayo sa election day, talagang nagpahiwatig na siya at pinapaalaman na niya saan suporta niya,“ pahayag ni Marcos sa panayam nito sa DZRH Sabado.
Biyernes ng gabi, nagsalita si Duterte sa miting de avance ng kanyang anak na si Sebastain na tumatakbong mayor ng Davao City na hinahayaan niya ang publiko na magdesisyon para sa kanilang sarili.
“I am not supporting anyone for president, I leave it up to you who you want. I will not dictate, I am neutral,” giit ng pangulo.