SINABI ng Department of Health (DOH) na maglalagay ng mga vaccination site sa mga polling precinct sa mismong araw ng eleksyon, Mayo 9 para mahikayat ang mga wala pang booster at hindi pa nagpapabakuna na magpaturok na laban sa coronavirus disease (Covid-19).
“Para naman po doon sa ating mga kababayan, may sinet-up po tayong vaccination sites sa lahat ng polling precincts. Pagkatapos ninyo pong bumoto, maaari po kayong dumiretso doon kung wala pa ho kayong booster o ‘di kaya ay kailangan pang kumpletuhin ang primary series,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ito ay sa harap naman ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna kontra Covid-19.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na may mga miyembro ng DOH na mag-aasiste sa mga botante bukas.
“Nakipag-usap na po kami sa COMELEC. There had been these series of meetings kung saan mayroon po tayong isasagawa o itatayo, i-establish na health stations sa bawat polling precincts,” paliwanag ni Vergeire.
“Ito pong health stations na ito, dito po puwedeng pumunta ang ating mga kababayan na may nararamdaman, nahihilo, tumataas ang presyon at saka dito rin puwedeng magpatingin kung ang tao po ay mayroon pang ibang nararamdaman katulad ng COVID symptoms. At maaari na po nating i-refer doon sa isolation place,” aniya.