HINDI nakadalo si Pangulong Duterte sa proklamasyon ng anak na si Vice President-elect Sara Duterte sa Kongreso ngayong Miyerkules, Mayo 25, 2022.
Puno ang schedule ng pangulo dahil sa pakikipagpulong nito sa mga bagong ambassador mula Cambodia, Indonesia, Argentina, at Greece sa Malacañang.
Binati ni Duterte sina Phan Peuv (Cambodia), Agus Widjojo (Indonesia), Ricardo Luis Bocalandro (Argentina), at Ioannis Pediotis (Greece) sa kanilang pagkakatalaga.
Naka-live-stream pa ito sa state-run broadcaster na RTVM kasabay ng ginagawang proklamasyon sa Kamara.
Sa kabila naman nito, binati kapwa ng Palasyo sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Duterte sa kanilang proklamasyon.
“We congratulate Mr. Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. and Ms. Inday Sara Duterte-Carpio on their electoral victory and for their proclamation as President-elect of the Philippines and Vice President-elect of the Philippines, respectively,” sabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar.
Tiniyak din ni Andanar ang mapayapang pagsasalin ng pamumuno ni Duterte kay Marcos.
“The Office of the President shall ensure a peaceful, orderly and smooth transfer of powers to the President-elect as we extend all the necessary support and assistance to various transition activities,” sabi ni Andanar.