IMINUNGKAHI ni Education Undersecretary Alain Del B. Pascua, ang chairman ng DepEd Election Task Force, na bigyan ng karagdagang P3,000 kompensasyon ang mga nag-overtime na teaching at non-teaching personnel na nagsilbi bilang poll workers nitong nakaraang halalan.
Makaraang lumabas ang mga ulat na nasira ang ilang vote counting machines (VCMs) at nagkaroon din ng isyu ang mga SD cards kaya lumagpas sa itinakdang oras ang ginugol ng mga poll workers sa mga presinto, nakipag-ugnayan nitong Miyerkules, Mayo 11, sina Undersecretary Pascua at Dir. Marcelo Bragado Jr. sa poll body na isama sa aaprubahan sa agenda ang P3,000 karagdagang kompensasyon sa mga naapektuhang mga miyembro ng electoral board.
Kaugnay nito ay umapela si Education Secretary Leonor M. Briones sa Comelec na madaliin ang pamimigay ng karagdagang kompensasyon sa mga poll workers.
Hiniling din ng opisyal na ibigay ang karagdagang bayad, kasama na ang honoraria at iba pang mga allowance, sa mga poll workers sa Mayo 24 base sa Comelec Resolution No. 20727.
“The Department of Education’s teaching and non-teaching personnel have once again provided their selfless service to the country by devoting their utmost efforts and energy, their sweat and tears, and their safety and well-being to the success of the 2022 National and Local elections,” ani Briones sa Comelec kaya naman nararapat lang na ibigay rin nito ang para sa kanila.
“The undersigned would like to follow-up on this matter and appreciates your unwavering support for our poll workers…We look forward to your prompt response to these matters,” dagdag niya.