IKINATUWA ng Department of Education (DepEd) ang pag-apruba ng Commission on Elections (COMELEC) ng karagdagang honoraria para sa mga gurong nagsilbi nang mas mahabang oras noong nakaraang eleksyon.
Ito’y matapos na inabot ng magdamag o kaya’y inumaga na ang ginawang pagseserbisyo ng mga guro noong Mayo 9 matapos pumalya ang maraming vote counting machine at SD cards.
Sa ilalim ng inaprubahang kautusan ng Comelec, tatanggap ng karagdagang P2,000 ang mga nag-overtime na poll worker.
“Although it is lesser from our original proposal of P3000, the Department is grateful to the Commission for listening to our plea for our teachers’ welfare,” sabi ng DepEd sa isang pahayag.
Tiniyak naman ng DepEd na patuloy na isusulong ng kagawaran sa Kongreso at Comelec ang pagpapasa ng batas para madagdagan ang benepisyo ng mga guro tuwing halalan.