DDS singer kay Isko pa rin kahit ‘sure win’ si Bongbong

INANUNSYO ng singer at dating government official na si Jimmy Bondoc na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang manok niya sa pagkapresidente kahit “halos sigurado” nang mananalo si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Facebook post, sinabi ni Bondoc, dating vice president for community relations ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na mananatili siyang Isko supporter kahit isang “mabuti at matalinong tao” si Marcos.

“Kung BBM supporter ka, congratulations! Halos sigurado na po si BBM, and I believe that only God makes this possible. God alone. I hear that he is a good and smart man. I pray that if he wins, he leads this country with the cleanest heart,” aniya.

Pero, hirit ni Bondoc, ang “conscience vote” niya ay para kay Isko dahil “napakagaling” nito bilang alkalde ng Maynila.

“My vote for ISKO is a conscience vote, coupled with a FAINT HOPE that we might still make a NEW name win. And because even a second place win will make the voice of the people clearer,” dagdag niya.

Umaasa naman siya na sakaling hindi palarin si Isko sa pagkapangulo ay tumakbo ito sa pagkasenador sa 2025.

“Sa edad niya, marami pa po siyang mararating, and it will be good for the country kung mailuklok siya,” ani Bondoc.

Sa kabilang banda, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ng kanyang idolong si Pangulong Duterte, ang ikinakampanya niya bilang bise presidente.

Kilala ang singer bilang isang Duterte Diehard Supporter (DDS).