ISA sa mga matagal ng reklamo ng mga guro sa pampublikong paaralan ay ang work overload.
Dahil dito, plano ni presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos na magdagdag ng mga non-teaching staff sa mga public schools upang mabawasan ang trabaho ng mga guro.
Kadalasang reklamo ng mga guro ay ang paggawa ng trabaho sa eskwelahan na hindi naman related sa pagtuturo, dahilan kung bakit umaapaw sila sa trabaho.
Halimbawa anya, ilang guro ang nagsisilbing librarian at property custodians na kung tutuusin ay hindi naman nila dapat ito trabaho. Ang ilan naman ay nagiging katulong sa clinic o nagma-manage ng canteen at kung ano-ano pa.
Ayon kay Marcos, nais niyang baguhin ito sa pamamagitan ng pagkuha ng karagdagang non-teaching personnel para maibsan ang hirap ng mga guro.
“Matagal nang dinadaing ng ating mga guro ang ganitong sistema, ‘yung additional work, ‘yung non-teaching loads, panahon na para baguhin at matugunan ito, so paano? We need to hire more non-teaching personnel who are qualified for the job, yung tinutukoy ko is yung mga sobrang ginagawa ng mga guro na hindi naman dapat sila gumagawa, ” ani Marcos.
“In that case, we can ease the work of the teachers, mabibigyan natin sila ng mahabang oras na makapaghanda, makapag-prepare ng mga lesson sa kung anong subject na ituturo nila, kung minsan kasi yung mga guro natin, teacher na sila nagiging librarian, nurse din sila, may nababalitaan pa tayo na may mga nagbabantay pa ng canteen,” dagdag pa nito.