HINDI nagustuhan ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez ang naging payo ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa mga botante na tanggapin ang pera na ibibigay ng mga tiwaling politiko ngunit iboto ang nasa konsensiya.
Sa isang tweet ni Jimenez, bagamat wala siyang tinutukoy rito, sinabi ng Comelec official na mali ang suhestyon na dapat tanggapin ang pera na ibibigay ng mga politiko.
“I disagree with the notion of taking the money and voting according to your conscience. Vote buying is an election offense regardless of financial situation or noble intentions. Di dapat ginagawa, at di dapat sina-suggest yan sa mga botante,” tweet ni Jimenez.
Una nang ipinayo ni Robredo sa mga botante na huwag nang mag-isip kung tatanggapin ang pera na ibibigay sa kanila ng politiko dahil pera naman umano ito ng taongbayan.
Giit niya, tanggapin ito ngunit bumoto pa rin ayon sa dikta ng konsensiya dahil wala rin umanong paraan ang mga politiko na malaman kung sino ang hindi bumoto sa kanila kahit binigyan nila ang mga ito ng pera.