MALAKING banta hindi lang sa paparating na Halalan 2022 ngunit maging sa demokrasya ng bansa ang talamak na fake news sa social media at pagbili ng boto, ayon kay Partido Reporma standard bearer at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson.
Ganito rin ang paniwala ni Elections Commissioner Rowena Guanzon kasabay ang pagbibigay nito ng payo sa mga botante na maging mapagbantay sa social media laban sa fake news at vote buying.
Sa “Meet the Press” forum ng Partido Reporma, hinikayat ni Lacson ang Commission on Elections (Comelec) at National Privacy Commission (NPC) para solusyonan ang problema sa vote buying na isinasagawa na rin online habang papalapit ang May 9 elections.
“Tama ‘yon. Talagang ‘yung vote-buying threat talaga ‘yan, hindi lamang sa electoral system kundi sa demokrasya na rin, ‘yung long-term effect nito sa demokrasya. Kasi kung hindi, repleksyon na talagang gusto ng mga tao kasi nga panandalian, nabili ‘yung boto, ang mag-su-suffer nito ‘yung bansa natin,” paliwanag ni Lacson.
Ayon naman kay Guanzon, dapat maging mapanuri ang mga botante at huwag basta-basta maniniwala sa mga sinasabi o naipo-post sa social media.
“Vote buying and fake news are top threats to our elections. If you are not discerning, that is going to affect your voting decision and so young people should be aware that social media do not necessarily tell the whole truth. We have an obligation to tell the truth and stand by the truth,” pahayag ni Guanzon.