HINDI pa man din napatutupad ang campaign guidelines ng Commission on Elections, marami nang nakikitang paglabag si Comelec Spokesman James Jimenez sa mga isinasagawang pagtitipon o activities ng maraming kandidato.
Ayon kay Jimenez, sa panayam ng Teleradyo, kaya nga anya nila inilabas ng mas maaga ang guidelines para ngayon pa lang ay maisa-isip na ng mga kandidato at publiko ang mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng kampanya.
“Pero sa nakikita natin ngayon, nilabas nga natin nang maaga para sana may guidance na ‘yung mga kakandito pero wala, hindi naman sinusunod, siksikan pa rin ‘yung mga tao,” pahayag ni Jimenez.
Pormal na magsisimula ang campaign para sa national na posisyon sa Pebrero 8 habang sa lokal naman ay sa Marso 25.
Pabor din si Jimenez sa nauna nang naging panawagan ng Department of Interior and Local Government sa mga kandidato na ipagpaliban na muna ang lahat ng political rally at hintayin na lamang ang tamang oras ng pangangampanya.