MARAMING aberya ang nararanasan ngayon ng mga botante — mula sa hindi gumaganang voting counting machine, walang kuryente at mahabang pila.
Alas-6 pa lang ng umaga nang buksan ang mga presinto, maraming mga botante na ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya at inilahad ito sa kani-kanilang mga social media accounts.
Kadalasang reklamo ay ang hindi gumaganang VCM.
Ayon naman kay Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, may mga contingency measures na nakahanda para sa mga hindi gumaganang VCM.
“As we have emphasized before, contingency number 1, repair onsite. That’s the first thing that we will do. Meron pong technicians na itinalaga ang Comelec,” ayon kay Laudiangco sa press briefing.
“‘Pag hindi kaya ng technician, call the National Tech Support Center, meron po mag-a-assist mismo du’n sa technician para i-resolve ‘yan. If that cannot be resolved on time, get the contingency VCM. ‘Pag ubos na ‘yung contingency VCM, we will have to go or repair,” dagdag pa nito.
Itutuloy pa rin ang eleksyon sa mga lugar na may nag-malfunction na VCM.
“In the meantime, what will happen? Tuloy po ang botohan. Hindi po hihinto. Pabobotohin po ‘yung tao. ‘Yun nga lang po kung sakali man, hindi po nila ma-e-experience mag-feed nung balota sa machine. Pero hindi po ibig sabihin na hindi bibilangin,” dagdag pa ni Laudiangco.
May ilang netizens din ang nagreklamo na nawalan sila ng kuryente.