IGINIIT ni presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi siya gumagamit ng ilegal na droga, at ang tanging gumagamit lang nito ay sila na walang mga trabaho.
Sa panayam sa DZRH’s Presidential Job Interview nitong Martes, nanindigan si Marcos na hindi ubra sa kanya ang pagdodroga dahil abala siya sa maraming mga gawain.
“Hindi ako pwede sa ganyan dahil masyado akong maraming ginagawa,” sagot ni Marcos nang tanungin siya kung gumamit siya ng ilegal na droga noong siya ay bata pa.
Giit din niya, para lamang sa mga walang trabaho ang paggamit ng droga.
“That kind of lifestyle, para lang sa walang ginagawa, walang trabaho. But if you expect to produce good work, hindi ka pwedeng sumailalim sa ganyang bisyo,” paliwanag pa ni Marcos.
Matatandaan noong isang taon, nagpasaring si Pangulong Duterte na meron umanong isang presidential candidate ang may bisyo o gumagamit ng cocaine.