MARAMI ang nagtatanong kung nag-iisip na bang umatras ni Senador Bong Go sa 2022 presidential elections matapos itong maglabas ng mahabang statement kaugnay sa kanyang pagtakbo.
“Running for the Presidency is something I have never dreamed of. Iniiwasan ko ang posisyon na ito, but fate — as I said — has a way of turning things around. Nagdesisyon ang partido at si Pangulong Duterte and I accepted the challenge,” sabi ni Go.
Idinagdag ni Go na patuloy siyang kumukuha ng senyales mula sa Diyos para makapagdesisyon.
“At present, I continue to seek guidance from the Divine Being for I believe that the Presidency is a matter of destiny. Kung para sayo yan, para talaga sayo yan,” aniya.
Aniya, sa nakalipas na mga araw ay iba ang nais ng kanyang puso at pag-iisip sa kanyang ginagawa.
“Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din. O baka dahil sadyang napakarumi at ganun kainit lang talaga ang pulitika. Talagang nagreresist po ang aking katawan, puso at isipan. Pati po ang aking pamilya ay nahihirapan,” paliwanag pa ni Go.
Idinagdag ni Go na posibleng hindi pa niya panahon.
“Ayoko na pong mahirapan si Pangulo at yung mga supporters natin. Mahal ko po si Pangulong Duterte. Matanda na rin po siya at ayaw ko siyang bigyan pa ng dagdag na problema,” aniya.
Sinabi pa ni Go na nakahanda siyang magsakripisyo para sa pagkakaisa ng bansa.
“Marami namang paraan upang makatulong sa ating kapwa Pilipino. Ako naman, kahit saan man ako ipadpad ng aking tadhana, patuloy po akong magseserbisyo. Kung anuman ang aking magiging desisyon, ipapasa-Diyos ko na lang ang lahat alang-alang sa kung ano ang makakabuti sa bayan,” aniya.