Abalos nagbitiw bilang MMDA chair para maging campaign manager ni Marcos Jr.

NAGBITIW bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Benhur Abalos Lunes ng umaga para maging campaign manager ng presidential bet at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ginawa ni Abalos ang pagbibitiw, isang araw bago ang opisyal na campaign period para sa mga magsisilahok sa national elections.

“With utmost gratitude, I respectfully tender my resignation effective the end of business hours, February 7, 2022,” pahayag ni Abalos habang binabasa ang kanyang resignation letter kay Pangulong Duterte sa press briefing.

“The campaign period is fast approaching and I would devote my time to Senator Bongbong Marcos’ campaign as his national campaign manager,” dagdag nito.

Nagpaliwanag din siya kung bakit hindi agad siya nagbitiw bilang chairman ng MMDA.

Anya, napilitan siyang manatili sa pwesto habang nasa gitna ng COVID-19 surge ang Metro Manila nitong nakaraang buwan.

“It’s just that hindi ko pwedeng iwanan ang kalakhang Maynila na may problema lalo na nung Omicron. Ang taas ng kaso noon,” anya.

“Kaya ito (resignation) ay pinagliban ko muna… I’m leaving on a good note,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Abalos, matagal na ang pinagsamahan nilang dalawa ni Marcos.