PINAWI ng Department of Health ang pangamba ng marami na wala umanong saysay ang vaccine kung ikukumpara sa tindi nang epekto na dala ng Indian variant na coronavirus disease.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagamat may epekto ang Indian variant sa mga vaccine laban sa coronavirus disease, nagbibigay pa rin ang mga ito ng proteksyon kontra COVID-19.
“May mga pag-aaral, kapareho sa South African variant, hindi naman sinasabi totally zero, gagana pa rin ang proteksyon ng bakuna,” sabi ni Vergeire.
Nitong Martes, kinumpirma ng DoH ang unang dalawang kaso ng tinaguriang double mutant variant mula sa India, matapos magpositibo ang dalawang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Oman at United Arab Emirates (UEA).
Idinagdag ni Vergeire na naitala na ang Indian variant sa 46 bansa.
“Indian variant has 15 mutations. That’s the normal cycle of the virus. Kailangan nating pababain ang mga kaso para makaiwas. Lahat po ng mga minimum health protocol, napaka importante lalo na meron tayong mga nakapanghahawang variant,” dagdag ni Vergeire.