ILULUNSAD sa Lunes ang ceremonial vaccination ng mga nasa A4 o mga economic frontliners bilang hudyat ng pagsisimula ng pagbabakuna ng mga manggagawa kontra coronavirus disease (Covid-19).
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na gagawin sa Mall of Asia (MOA) sa Pasay City ang pagbabakuna at dadaluhan ito nina Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Abalos.
“Sa gaganapin sa Monday, we will be holding a ceremonial vaccination to really implement iyong vaccination program namin sa private sector. Kami ni Chairman Abalos at si Secretary Galvez, we will be there physically. Pero preparado ang private sector matagal na pero dito sa ibang bakuna may konting delay lang,” sabi ni Concepcion.
Idinagdag ni Concepcion na inaasahan na ang pagdating simula Hulyo hanggang Agosto ng 1.17 milyon doses ng AstraZeneca na binili ng pribadong sektor.
“So sigurado na iyan and then, tuluy-tuloy iyan. Almost 17 million doses, 5.5 para sa private sector at 11 million plus doses para sa 39 LGUs (local government units),” dagdag pa ng opisyal.