Travel ban sa Indonesia aprub kay Duterte

INAPRUBAHAN ni Pangulong Duterte ang travel ban sa Indonesia simula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31 bilang pag-iingat sa pagpasok ng mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.


Ani presidential spokesperson Harry Roque, sakop ng travel ban ang lahat ng mga manggagaling sa Indonesia at may mga travel history sa nakalipas na 14 na araw.


“Beginning 12:01 a.m of July 16, 2021 until 11:59 p.m. of July 31, 2021, such travelers shall be prohibited from entering the Philippines,” sabi ni Roque.


Sasailalim naman sa 14 na araw na quarantine ang mga darating sa Pilipinas mula sa Indonesia bago ang itinakdang travel ban.


Samantala, pinalawig ng Inter-Agency Task Force ang travel ban sa India at iba pang bansa hanggang Hulyo 31.


Sakop din ng travel ban ang Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates (UAE) at Oman na pawang apekatado ng Delta variant na unang na-detect sa India. –WC