SINABI ni Pangulong Bongbong Marcos na nakatakda niyang palawigin ang pagpapatupad ng state of public health emergency hanggang katapusan ng 2022 sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
“Yes, we were just discussing it with Usec. [Maria Rosario] Vergeire because maraming mga binibigay sa international medical community kapag state of emergency. WHO is one of them. At kung itigil natin ‘yung state of emergency, matitigil ‘yun,” sabi ni Marcos matapos pangunahan ang PinasLakas vaccination campaign sa Maynila.
Ipinalabas ni dating Pangulong Duterte ang Proclamation No. 922 noong Marso 2020, na nagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa.
“But if we can change — we are looking at amending the law in terms of procurement and all of that in the middle of an emergency. But that will take time. So malamang we will extend it until the end of the year,” aniya.
Nauna nang isinama ng Amerika ang Pilipinas sa travel advisory nito sa harap ng mataas na mga kaso sa bansa.