Sinovac, Pfizer bet na bakuna ng Pinoy

TATLO sa 10 Pilipino ang mas gustong maturukan ng bakuna kontra Covid-19 mula sa Sinovac ng China at Pfizer ng USA, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).


Sa survey na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 2, tinanong ang 1,200 respondents ng “If you could choose the brand of vaccine approved by the Food and Drug Administration of the Philippines, which of the following would you choose?”


Kasama sa pagpipilian ang 10 brand ng bakuna na aprubado ng Food and Drug Administration.


Nangunguna sa listahan ang Sinovac (39 porsyento), Pfizer (32 porsyento), AstraZeneca ng UK (22 porsyento) at Johnson & Johnson ng USA (10 porsyento).


Sumusunod naman ang Moderna (7 porsyento), CureVac (3 porsyento), Sinopharm (3 porsyento), Novavax (3 porsyento), Sanofi-GSK (3 porsyento), and Gamaleya (2 porsyento).


Pinili naman ng dalawang porsyento ng respondents ang lahat ng brands habang walang ibinigay na sagot ang 19 porsyento.


Sa tanong naman na, “If you could choose the country of origin of the vaccine approved by the Food and Drug Administration of the Philippines, which of the following would you choose?” nasa 63 porsyento ang pinili ay US na sinundan ng China (19 porsyento).


Ang iba pa ay Japan (13 porsyento), Australia (13 porsyento), United Kingdom (13 porsyento), Canada (12 porsyento), at Russia (12 porsyento).


Dalawang porsyento sa mga tinanong ay pinili ang lahat ng bansa habang 12 porsyento ang hindi sumagot.