NAGBANTA ang Palasyo sa Simbahang Katolika na posibleng gamitan ito ng police power sa sandaling hindi ito sumunod sa patakaran ng gobyerno ng nagbabawal sa mass gathering sa loob ng NCR plus bubble.
Ito ay kasunod ng pagsuway di umano ng Archdiocese of Manila matapos itong magpalabas ng abiso na itutuloy nito ang mga misa simula ngayong araw hanggang sa Semana Santa.
Sa inilabas na pastoral instruction ni Bishop Broderic Pabillo tuloy ang misa bagamat magiging limitado ang kapisadad sa mga simbahan na nasasakupan ng Archdiocese of Manila. Lilimitahan lamang sa 10 porsiyento ang kapasidad ng simbahan.
Ayon naman kay Father Jerome Sicillano, executive secretary of public affairs of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na dapat balansehin ng gobyerno ang mga patakaran dahil sumusunod naman ang Simbahan sa ipinatutupad na minimum health protocols.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque posibleng gamitan ito ng police power para ipasara ang mga simbahan kung hindi ito susunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force.