Sa dami ng namamatay sa Covid-19, ECQ sa NCR Plus i-extend pa’

NAIS ng OCTA Research group na palawigin nang isa pang linggo ang ipinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at katabing mga probinsya dahil sa dami ng mga namamatay sa Covid-19.


Sinabi ni Guido David ng OCTA na kahit pa bumabagal na ang hawahan sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ay makatutulong ang extension ng ECQ para pababain ang bilang ng nagkakasakit.


Kahapon ay iniulat ng Department of Health na 401 katao ang panibagong namatay sa Covid-19, ang pinakamataas mula nang kumalat ang sakit sa Pilipinas noong isang taon.


Sa kabuuan, nasa 14,520 Pinoy na ang namamatay sa Covid-19.


“Pwede pa tumaas ‘yan, pwede pa humigit ‘yan,” ani Guido.