INALERTO ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan ukol sa mga pekeng vaccination cards kasunod ng pagluluwag sa travel restrictions sa bansa.
Nitong Linggo ay inihayag ng pamahalaan na tanging vaccination ID na nagpapakitang bakunado na ang indibidwal ang kakailanganin para sa interzonal travel.
“We will coordinate and work closely with the LGUs (local government units) in enforcing this latest guideline. I am directing all police offices and units to be vigilant against those travelers who might use fake documents to prove that they are fully-vaccinated,” ani Eleazar.
“Kung ang resulta ng RT-PCR (real-time reverse transcription polymerase chain reaction) test ay pinepeke, hindi malayong may masasamang loob na gumamit din ng pekeng vaccination documents. Hindi natin ito dapat hayaang mangyari,” dagdag ng opisyal.
Ipinaalala naman niya sa publiko na sundin ang minimum health safety standards.
“Doblehin natin ang pag-iingat sa Covid-19. Ang pagiging fully-vaccinated ay hindi garantiya na hinding-hindi na tayo puwedeng magkaroon ng Covid-19,” dagdag ni Eleazar.