PATULOY ang pagbaba ng kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Metro Manila matapos maitala ang positivity rate nito sa 16.9 porsiyento mula sa dating 19.14 porsiyento, ayon sa OCTA Research Group.
“Nakita natin na bumababa iyong positivity rate at magandang balita iyan kasi kapag bumababa iyong positivity rate, ang alam natin ay bumababa iyong bilang ng kaso,” sabi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David.
Idinagdag ni David nakitaan naman ng patuloy na pagtaas ang mga lugar sa labas ng Metro Manila.
“May mga nakita natin na medyo significant iyong pagtaas, kasama dito Camarines Sur na nasa 46 percent iyong positivity rate; sa Tarlac na nasa 52 percent positive rate – 51.8 percent; Zambales nasa 33.6 porsiyento positivity rate; sa Cotabato, 26.2 porsiyento although sa South Cotabato parang medyo bahagyang bumaba, pero iyon nga, mataas pa rin iyong positivity rate; tapos Misamis Oriental, may nakita rin tayong pagtaas ng positivity rate; at saka sa Iloilo. So in many parts of the country, ngayon may nakikita tayong pagtaas ng positivity rate,” aniya.